Nurse na pineke ang sintomas ng COVID-19 para makapagpa-test, lumabas na positibo

Stock photo

Nagkunwari ang isang nurse sa Quebec, Canada na mayroong sintomas ng COVID-19 upang mapagbigyan siyang sumailalim sa test — at ang resulta, positibo nga.

Dahil na-expose sa coronavirus, naghihintay si Kristy-Lyn Kemp na ma-test bago sana siya lumipat sa bagong nursing home, ayon sa ulat ng CBC noong Mayo 8.

“I told them I was coming from a COVID-positive environment, but I was completely asymptomatic. They told me I didn’t need a test,” pahayag ng nurse.


Sa muling pagtawag sa hotline, nagsalita sa wikang French ang nurse upang hindi makilala, at nagpanggap na mayroon siyang sintomas para payagang ma-test.

“I made up symptoms. I said I had a fever and a cough. And that’s when they gave me an appointment,” aniya.

Sumailalim sa COVID-19 test si Kemp sa parehong linggo at napatunayang tama ang kanyang ginawa dahil lumabas na positibo ang resulta.

Ayon sa Canadian Ministry of Health, prayoridad na matingnan ang symptomatic health workers na may direct contact sa COVID-19 patients, habang ang staff naman ng Centre d’hébergement et de soins de longue durée (CHSLD), na pinanggalingan ni Kemp, ay dapat ma-test may sintomas man o wala.

Iginiit ng nurse na kung hindi nakumpirma ang kanyang kalagayan, hindi maganda ang posibleng kinahinatnan.

Facebook Comments