NVOC, muling nagpaalala sa mga LGUs hinggil sa limitadong suplay ng reformulated vaccine para sa mga batang edad 5-11 taong gulang

Pinaalalahanan ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga lokal na pamahalaan sa pagpaplano nila ng bakunahan sa mga batang nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na dapat tandaan ng mga LGU na limitado pa sa ngayon ang suplay ng mga bakuna para sa ganitong age group.

Ayon kay Cabotaje, base sa pinaka-huling datos ng DOH umaabot na sa 263, 932 ang bilang ng mga kabataang 5-11 years old ang nabakunahan sa nagpapatuloy na Resbakuna Kids program.


Sa kasalukuyan, nasa 55, 000 ang average daily jabs na nagagawa ng pamahalaan para sa naturang age group.

Aniya, ngayong Pebrero inaasahan ang 5 milyon doses ng reformulated Pfizer vaccines ang dadating sa bansa kung kaya’t sinabihan na nila ang mga LGU na ireserba ang kalahati nito para sa second dose ng mga batang nabigyan ng first dose, para makumpleto nila ang bakuna.

Nabatid na 21 araw ang interval o pagitan para sa una at ikalawang dose ng reformulated Pfizer vaccines sa nabanggit na age group.

Facebook Comments