Pinag-aaralan na ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mungkahi ni Presidential Adviser Joey Concepcion na magkaroon ng booster card.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na nire-review na nila kung maaari nang isama ang booster bilang bahagi ng primary series.
Aniya, mahalaga ang booster shot dahil bumababa ang bisa ng bakuna makalipas ang ilang buwan lalo na’t nananatili parin ang banta ng COVID-19 sa bansa.
Maliban dito, hinihikayat din ng NVOC ang mga employers na hikayatin ang kanilang mga manggagawa na magpa-booster shot bago bumalik sa kanilang mga lugar ng paggawa.
Matatandaang una nang iminungkahi ni Sec. Concepcion sa pamahalaan na ipatupad ang pagre-require sa pagkakaroon ng COVID-19 booster cards sa lahat ng indibidwal na papasok sa enclosed establishments simula sa Hunyo.
Paliwanag ni Cabotaje, titignan nila sa loob ng 3 linggo o isang buwan kung ano ang maaaring isagawa ng gobyerno para makumbinse ang ating mamamayan na magkaroon ng booster doses.