Walang magiging bawas-alokasyon ng tubig sa Metro Manila sa unang dalawang (2) linggo ng Mayo.
Sa press conference ng Task Force El Niño kahapon, sinabi ni Environment Undersecretary Carlos Primo David na bagama’t bumababa ang water level sa Angat Dam ay sapat pa rin naman ang suplay upang maibigay ang pangangailangan ng mga consumer.
Dahil dito, mananatili sa 50 cubic meters per second ang alokasyong tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) habang hindi rin babawasan ang alokasyon para sa irigasyon na 24 cubic meters per second.
Sa kabila nito, aminado si David na “alarming” ang patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam.
Kahapon, bumaba pa sa 188.45 meters ang water level sa Angat mula sa 188.81 meters noong Linggo.
Kaugnay nito, sinabi ni David na simula bukas ay magpapatupad na sila ng “prescribed conservation action” kung saan nakapaloob ang pag-regulate sa supply at pressure ng tubig.
Ipinagbabawal muna ang pagdidilig ng halaman at paglilinis ng kotse gamit ang hose, sa halip ay ipinayo ng ahensya ang paggamit ng timba at tabo.
Ang Department of Health (DOH) naman, pinaghihinay-hinay ang publiko sa madalas na pagligo.
Sabi ni DOH Secretary Ted Herbosa, pwedeng gumamit ng basang bimpo pamunas sa katawan para mapawi ang nararamdamang init o mapreskuhan.
Uminom din ng maraming tubig para ma-dehydrate at iwasang magbilad sa katirikan ng araw upang makaiwas sa mga heat-related illnesses.
Samantala, pitong probinsya na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño ––– Occidental Mindoro, South Cotabato, Antique, Sultan Kudarat, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Basilan.