NWRB, pabor sa mungkahing ilipat sa NDRRMC ang pagbubukas sa gate ng mga dam; supply ng tubig sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Ulysses, target na maibalik sa normal ngayong linggo

Pabor ang National Water Resources Board (NWRB) sa mungkahing ilipat sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pangangasiwa sa pagbubukas ng gate ng mga dam tuwing panahon ng kalamidad.

Sa interview ng RMN Manila kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., sinabi nito na kung may maganda namang maidudulot ang plano at mapapabilis ang pagdedesisyon ay mas mabuting pagtuunan din ito ng pansin.

Bukod dito nakikipag-ugnayan na rin ang NWRB sa mga malalaking water concessionaires sa bansa para masolusyunan maging ang paglabo ng tubig sa mayorya ng lugar sa Metro Manila.


Samantala, sinabi ni David na posibleng ngayong linggo na maibalik sa normal ang supply ng tubig sa Metro Manila.

Sa tulong ito ng ilang static water tank na naglilinis sa tubig na dumadaloy mula sa mga dam na una nang naabot sa spilling level dahil sa sunod-sunod na bagyo.

Facebook Comments