Kaya pang tugunan ng Angat Dam ang kinakailangang suplay ng tubig sa Metro Manila hanggang sa buwan ng Hulyo.
Ito ang sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) base na rin sa pagtaya sa datos mula sa PAGASA.
Pero ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., patuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa antas ng tubig sa Angat Dam na kasalukuyang nasa 193 meters.
Sa ngayon, normal pang naibibigay ang alokasyon para sa water supply sa Metro Manila.
Pero kapag sumadsad na ito sa critical level na 180 meters, tiniyak ni David na bibigyang prayoridad nila ang paghahatid ng tubig sa kamaynilaan habang pag-aaralan ang pagbabawas ng alokasyon para sa irigasyon.
Samantala, mula sa dating 40 cubic meters per second na alokasyon para sa irigasyon, ibinaba ito sa 35 cubic meters per second.
Paliwanag ng opisyal, ito ay para mapangalagaan ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa harap na rin ng banta ng El Niño.