Opisyal nang sumulat ang National Youth Commission (NYC) kay Pangulong Bongbong Marcos para hilinging ibalik ang mandatory Reserve Officer Training Corp (ROTC) sa kolehiyo, Citizen Army Training (CAT) sa high school at scouting sa elementarya.
Batay sa sulat ni Chairman Ronald Cardema ng NYC na ipinadala sa Malacañang, inihihirit nito na maglabas ng executive order si PBBM para dito.
Ani Cardema, naging matagumpay ang ROTC, CAT at scouting noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung kaya’t dapat itong buhayin.
Ang pagkakaroon umano ng ganitong mga gawain ay makapagbibigay ng disiplina, pagkamakabayan at kahandaan ng mga kabataan sa anumang pananakop ng mga dayuhan.
Hindi lamang sa giyera maaaring makatulong ang ROTC, CAT at scouting bagkus pwede rin silang magamit sa panahon ng kalamidad.
Nilinaw ni Cardema na hindi lamang military training ang ituturo sa mga estudyante bagkus ay ang epektibong paraan upang makatulong sa mga kababayan sa panahon ng sakuna at iba pang emergency situation.