Obispo: Enhanced community quarantine, maaring mabigo kung magugutom ang publiko

Hindi magtatagumpay ang enhanced community quarantine kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kapag may nagugutom na sibilyan, ayon sa isang Katolikong obispo.

Ayon kay Novaliches Bishop Robert Gaa, maraming hindi sumusunod sa panuntunan ng gobyerno dahil nag-aalala sila sa kakainin ng kanilang pamilya kung hindi papasok sa trabaho.

Kaya panawagan ng obispo sa pamahalaan, siguraduhin ang seguridad at kapakanan ng mga apektadong indibidwal habang umiiral ang lockdown.


“Magagawa ang lockdown kung may kasiguraduhan ang mga tao na may makakain, dapat mauna yun. Kung panatag ang loob nila na mayroon silang makakain. Pero kung sigurado ‘yun, mapapatupad natin ang lockdown, maipapatupad natin yung enhanced community quarantine,” saad ni Bishop Gaa sa online mass ng Radyo Veritas, Huwebes ng umaga.

Pero sa kabila ng kinakaharap ng krisis, pinayuhan nito ang sambayanan na ibaling sa Diyos ang suliranin at hingin rito ang pagiging panatag ng sitwasyon.

Samantala, inihahanda na ng Caritas Philippines at Manila ang tulong na ibibigay sa mga nangangailangan.

“We are currently repacking the relief goods and organizing the Social Service and Development Ministry teams in our partner parishes in Metro Manila. We have started sending the Caritas Ligtas COVID-19 kits and Caritas Manna food bags to partner parishes and communities today,” saad ng ahensiya sa Facebook post. 

Facebook Comments