Obserbasyon ng DOJ sa 52 drug war cases na ipinasa ng PNP, natapos na

Natapos na ng Department of Justice (DOJ) ang isinagawa nilang pagre-review sa 52 drug war cases na ipinasa ng Philippine National Police (PNP) at ng kanilang Internal Affair Services (IAS).

Ito ay ang mga nangyaring pagpatay sa nasabing operasyon kontra iligal na droga.

Kabilang sa mga inilabas na impormasyon ng DOJ ay ang pangalan ng nasawing suspek, petsa kung kailan nangyari ang insidente, rekomendasyon ng IAS laban sa mga pagkakamali ng nasangkot na pulis at obserbasyon ng DOJ.


Ilan sa mga obserbasyon ng DOJ ay ang kakulangan ng record na nagpapatunay na umano’y nagpaputok ang mga suspek kung saan walang naipasang paraffin test o kaya ballistic test habang wala rin naging basehan kung pag-aari nga ng nasawi ang baril na ginamit.

Base pa sa DOJ, lehitimo naman ang ikinakasang buy-bust operation pero nagkaroon ng paglabag ang mga pulis sa tinatawag na “standard operating procedure” sa isinagawa nilang pag-aresto.

Isa rin sa napansin ng DOJ base sa isinumiteng ulat, may mga gunpowder na natatagpuan sa mga biktima na isang indikasyon na malapitan itong binaril.

Bagamat maraming kaso ng operasyon kung saan nauunang nagpaputok ang suspek, wala naman daw konkretong ebidensiya na totoo ito lalo na’t lumalabas sa pagsusuri na negatibo sa gunpowder ang ilan sa mga nasawing suspek.

Inilabas ng DOJ ang kanilang naging obserbasyon para maging malinaw at patas sa lahat partikular sa mga kaanak ng nasawing suspek at maimbitahan rin ang iba pang witnesses sa nasabing 52 na kaso.

Sa pahayag pa ng DOJ, sasailalim din ang mga kaso sa masusing imbestigasyon kasabay na rin ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagkamaling pulis.

Facebook Comments