Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na bumaba ng 30% ang occupancy rate sa mga district hospital at quarantine facility sa lungsod.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang kabuuang bilang ng COVID-19 beds sa mga disitrict hospitals ay nasa 491 kung saan nasa 148 na lang ang okupado dito.
Kabilang sa mga district hospital sa Maynila ay ang Gat Andres Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Abad Santos Medical Center.
Dagdag pa ng alkalde, nasa 11% naman ang occupancy rate sa mga quarantine facilities sa lungsod na kasalukuyang tinutuluyan ng mga nag-positibong kaso ng COVID-19.
Nabatid na ang bed capacity sa mga quarantine facilities ay nasa 870 ngunit aabot na lamang sa 94 ang okupado.
Sa kasalukuyan, nasa 354,142 na ang bilang ng mga nabakunahan sa lungsod kung saan 242,977 ang nakatanggap ng first dose at 111,165 ang naturukan na ng second dose.
Sa kabila nito, patuloy ang paalala ng lokal na pamahalaan sa publiko na kailangan pa rin sumunod sa health protocols at mag-ingat kontra COVID-19 habang samantalahin na rin ang pagkakataon na magbakuna para hindi mahawaan o magkaroon ng proteksyon laban sa nasabing virus.