OCD Bicol, ibinaba na ang alerto kasunod ng pagbaba ng aktibidad ng Bulkang Mayon

Mula sa Red Alert ay ibinaba na sa Blue ang alerto ng Office of Civil Defense (OCD) Emergency Operations Center sa Bicol Region.

Ito ay kasunod na rin ng pagbaba ng alerto ng Mayon Volcano sa Alert Level 2 base na rin sa pagtaya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa OCD, nangangahulugan ang Blue Alert status ng kalahating manpower na naka standby para sa heightened monitoring sa status ng bulkan.


Sa pinakahuling pagtaya ng PHIVOLCS, nasa moderate level na ngayon ang Mayon Volcano dahil sa patuloy na pagbaba ng sulfur dioxide emission at bumababang deposito ng lava nitong mga nakalipas na araw.

Kasunod nito, patuloy na naka-monitor ang Local Disaster Risk Reduction Management Office ng Albay para sa posibilidad na muling magkaroon ng abnormalidad sa bulkan.

Nagpatupad na rin ng decamping ang OCD sa 52 pamilya o 195 indibidwal na nasa evacuation center pero patuloy pa rin silang aalalayan ng pamahalaan.

Facebook Comments