OCD ILOCOS, MAS PINAIIGTING ANG KOORDINASYON AT MONITORING SA MGA LGU KASUNOD NG POSIBLENG BANTA NG TSUNAMI

Mas pinaigting ng Office of the Civil Defense (OCD) Ilocos ang koordinasyon at monitoring sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon upang paghandaan ang posibleng banta ng tsunami.
Ayon kay OCD Ilocos Spokesperson Adreanne Pagsolingan sa panayam ng IFM Dagupan, nakatutok ang tanggapan sa coastal areas upang masigurado ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan sa ganitong uri ng kalamidad.
Inihahanda na rin ang isang implementation plan na naglalaman ng mga kinakailangang aksyon at hakbangin sakaling magkaroon ng tsunami. Kabilang dito ang paghimok sa mga LGU na tapusin ang kanilang mga evacuation plans at tiyaking naipapaliwanag ang tamang impormasyon at hakbang sa mga residente.

Samantala, batay sa tala ng OCD, mahigit 100 offshore earthquakes na ang naitala sa bahagi ng Ilocos Sur, na nagdadagdag ng dahilan upang patuloy na maging alerto ang mga residente at pamahalaan sa posibleng panganib. Patuloy ang panawagan ng OCD sa publiko na maging handa at makipagtulungan sa kanilang mga lokal na opisyal para sa kaligtasan ng lahat. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨
Facebook Comments