OCD, nilinaw na walang naitalang ‘mass-casualty’ sa pananalasa ng Bagyong Odette

Nilinaw ng Office of the Civil Defense (OCD) na walang naitalang ‘mass-casualty’ matapos manalasa ang Bagyong Odette.

Ito ay matapos umabot sa 258 ang nasawi, 47 ang nawawala at 568 ang nasaktan dahil sa bagyo.

Ayon kay OCD Dir. Raffy Alejandro, iba-iba naman ang naging rason ng pagkasawi ng mga biktima noong nanalasa ang Typhoon Odette.


Kabilang na rito ang pagkalunod, nabagsakan ng puno, na-trap sa mga debris, landslide at iba pa.

Kasabay nito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos na lahat ng kanilang iniuulat na bilang ng nasawi ay dokumentado at inimbestigahan muna at isinasailalim sa beripikasyon.

Aniya, ang PNP units na may hawak sa mga datos na ito ay nagpapatupad ng ‘due diligence’ para maiwasan ang posibilidad na pagkakaulit ng mga datos at masigurong tama ang mga ito.

Ang pagkakaiba rin aniya ng datos sa pagitan ng PNP at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay dahil sa protocol na atas na balidasyong isinasagawa ng NDRRMC.

Facebook Comments