Walang naitatalang COVID-19 outbreak ang Office of the Civil Defense (OCD) sa mga evacuations sites, na pansamantalang tinuluyan ng mga residenteng pinakaapektado ng mga nagdaang bagyo sa bansa.
Ayon ito kay OCD Asec. Casiano Monilla, dahil nagiging maayos ang koordinasyon at paghahandang ginagawa ng mga Local Government Units (LGUs) at national government bago pa tumama ang isang bagyo sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, inihalimbawa ng opisyal ang nagdaang Bagyong Lannie.
Naging maayos din aniya ang ipinatupad na preemptive evacuation sa Southern Leyte, kaya’t maayos ring nakabalik sa tahanan ang mga apektadong residente.
Ayon pa kay Asec. Monilla, patuloy na pinaigting ng Department of the Interior and Local Government (DILG), OCD at mga lokal na pamahalaan ang mga preparasyon para sa mga bagyo at iba pang kalamidad na posibleng tumama sa bansa.