Pinayuhan ngayon ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga nasa industriya ng Micro Small Business (MSB) na walang kakayanan na makapagbigay ng 13th month pay sa mga kawani na mag-apply ng loan sa gobyerno.
Ginawa ng kalihim ang panawagan kasabay ng pagpapaalala sa mga employer na mandatory ang pagbibigay ng 13th month pay.
Gayunpaman, tiniyak ni Bello ang suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng Small Business Corporation para sa mga establisyemento na nahihirapan pa rin sa gitna ng muling pagbubukas ng ekonomiya.
Naglabas na aniya ng Labor Advisory na walang exemption at hindi papayagan ang pagpapaliban sa pagbibigay ng 13th month pay.
Paliwanag ng kalihim, may loan facility mula sa Small Business Corporation kaya’t wala nang dahilan upang hindi maibigay ng mga employer ang 13th month pay sa mga empleyado.
Giit ni Bello, ang mga kuwalipikadong borrower ay ang Micro at Small Enterprises na nagpatupad ng flexible work arrangement at nakarehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE) Establishment Reporting System noong Oktubre 15, 2021.
Sakop aniya ng programang pautang ang hanggang 40 empleyado kada establisyimento at ang halaga ng mauutang ay P12,000 kada aktwal na empleyado at ito ay zero-interest rate, hindi nangangailangan ng kolateral at babayaran sa loob ng 12 buwan kasama ang tatlong buwang palugit.