Binigyang-diin ng OCTA Research Group na sa ngayon ay hindi pa talaga ramdam ang resulta ng nakaraang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at nagpapatuloy na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Prof. Guido David ng OCTA Research Group na base sa mga nakaraang lockdown at MECQ ay nasa 3 hanggang 4 na linggo pa ito tuluyang mararamdaman.
Kung kaya’t kahapon ay pumalo pa sa 18,528 ang mga bagong aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero ang kagandahan lamang ani Prof. David ay unti-unti nang bumababa ang reproduction rate o hawaan sa National Capital Region (NCR) na nasa 1.47 na sa ngayon.
Paliwanag ni Prof. David, pagsapit na katapusan ng Setyembre ay nasa less than 1 na lamang ang reproduction number sa kalakhang Maynila.
Pero kinakailangang mapaigting pa ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan gayundin ang pagsunod sa health protocols ng bawat indibidwal.
Kasunod nito, maliban sa Metro Manila, bumababa na rin ang bilang ng hawaan sa Cebu kung saan kahapon naitala ang less than 1 na reproduction number.
Sa kabilang banda, tumataas naman ang transmission rate sa Cayayan, Tuguegarao, Ilocos Region, Pangasinan, Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan.