Matapos na masita sa ginawang political survey noong una, tuloy pa rin ang OCTA Research Group sa pagsasagawa ng public opinion research.
Ito ang pahayag ng OCTA sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability matapos na matanong ni Committee Chairman Michael Aglipay kung patuloy pa rin ba ang OCTA sa paglalabas ng political surveys.
Ayon kay OCTA fellow Professor Ranjit Rye, hindi lang limitado ang kanilang research sa COVID-19 pandemic sa bansa kundi malaya rin nilang magagawa ang anumang pag-aaral na sa tingin nila ay mahalaga para sa publiko.
Nagkataon lamang din na ginawa ang political survey dahil sa papalapit na halalan sa 2022.
Wala aniya siyang nakikitang paglabag sakali mang ipagpatuloy nila ang ginagawa nilang public opinion at COVID-19 research.
Agosto ng kasalukuyang taon nang inilabas ng OCTA ang resulta ng political survey na kanilang isinagawa noong Hulyo, kung saan nanguna sa mga ninanais ng publiko para tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa susunod na taon ay si Davao City Mayor Sara Duterte.