Nakikita ng OCTA Research Team na magiging maganda ang Pasko sa Metro Manila dahil sa bumabang 7-day positivity rate.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Guido David, OCTA Research Fellow na mula sa dating 14.4% na positivity rate nitong nagdaang December 10 ay bumaba ito sa 13.9%.
Paliwanag ni David na bagaman may nakikita silang pagtaas ng positivity rate sa ibang mga lalawigan tulad ng Aklan, Palawan, Zamboanga del Sur, Isabela, Kalinga, Nueva Ecija, at Camarines Sur ay hindi naman aniya ito pinangangambahan.
Sa katunayan aniya, maganda ang nakikita nilang outlook sa susunod na mga linggo at inaasahang pagpasok ng first quarter ng 2023 ay hindi na ito tataas pa.
Sakali man aniyang magkaroon ng pagtaas ng mga kaso sa mga lalawigan ay hindi pa nakakarating ang BQ subvariant sa mga probinsya pero ayon kay David hindi na ito kinatatakutan dahil alam na ng mga Pilipino kung papaano ito i-manage.
Lumalakas na rin kasi aniya ang wall of immunity ng publiko dahil sa patuloy na pagbabakuna at kahit optional na ang paggamit ng facemask ay tuloy pa rin ang paggamit dito, ibig sabihin natututo naman ang mga tao na maging responsable para pangalagaan ang kanilang mga sarili.