Naniniwala ang OCTA Research Team na paumpisa pa lamang ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa Metro Manila at kaya pa itong maagapan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Butch Ong na kung makikipagtulungan ang publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng pagtalima sa health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, faceshield, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay ay mapipigilan pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Bagama’t aminado ang OCTA Research team na nagkaroon talaga ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila simula noong 2nd week ng December ay maaari pa itong ma-control.
Pero sa oras aniya na magpabaya at makampante ang publiko ay maaaring makamit ang 4,000 new cases per day o 500,000 total COVID-19 cases sa bansa bago matapos ang taon.
Kaya paalala ng mga eksperto, habang nagdidiwang ng Pasko at Bagong Taon ay sumunod sa safety protocols nang sa ganon ay maabutan pa ang pagdating sa bansa ng mga bakuna panlaban sa COVID-19.