Walang nakita ang mga health expert na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa nagdaang holiday at pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.
Batay sa latest OCTA Research report, nananatiling nakapako sa 1% ang reproduction ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) sa nakalipas na mga linggo.
Ayon sa OCTA, ang week-to-week average number ng arawang kaso sa NCR ay nananatiling halos pareho lamang na mula sa 382 ay naging 379 base sa ulat mula sa Department of Health.
Ang positivity rate sa NCR sa nakalipas na linggo ay nananatiling 4% na may average na mahigit sa 17,000 polymerase chain reaction tests per day habang ang sitwasyon umano sa Metro Manila ay “manageable”.
Sa ngayon, kailangang bumaba sa less than one production ng COVID-19 cases ang kailangan para maikonsiderang maaaring mapababa ang restrictions sa Marso.