Office of the Mayor ng San Mateo, Isabela, Bukas sa mga Humihingi ng Tulong

Cauayan City, Isabela- Ipinapaabot ng alkalde ng San Mateo, Isabela na bukas ang kanyang tanggapan para sa lahat ng mamamayan ng nasabing bayan na nangangailangan ng pinansyal na tulong para sa medikal.

Sa Facebook post ni Mayor Atty. Gregorio Alipio Pua, kanyang inihayag na lahat ng mga taga-San Mateo na may problema at humihingi ng medical assistance ay napagbibigyan.

Kinakailangan lamang aniya na magtungo sa kanyang opisina ang sinumang magpapatulong dala ang medical history, Certificate of Indigency mula sa Barangay at hospital bill kung mayroon na upang maasistehan.


Bukod aniya sa tulong ng munisipyo, pasasamahan ito ng alkalde sa isang staff patungo sa tanggapan ng ating Gobernador, Bise Gobernador, at isa iba pang tanggapan ng ahensya ng gobyerno.

Kung na-admit aniya sa Government hospital, pwede namang magtungo sa Malasakit center.

Bukod dito, sasagutin din ng alkalde ang Philhealth ng pasyente maging ang sasakyan at pagkain nito.

“Mga perang malikom sa mga govt agencies na mga ito ay subject to COA audit kaya hindi pwedeng ipadaan ko sa gcash” dagdag pa ng alkalde.

Para naman sa mga nais magpatulong, maaaring kontakin si Atty. Eric Subia, Special Assistant to the Mayor sa numerong 0917-702-0325 upang mailapit sa tanggapan ng ama ng nasabing bayan.

Facebook Comments