Ipinabubuwag ni Ombudsman Samuel Martires ang Office of the Ombudsman.
Ito ang iminungkahi ni Martires sa pagdinig ng House Committee on Appropriations dahil walang matataas na opisyal ang nakakasuhan at napaparusahan sa katiwalian dahil sa kawalan ng ebidensya at testigo.
Kinumpirma ni Martires na nakakatanggap siya ng mga reklamo laban sa ilang matataas na opisyal ng mga ahensya ng gobyerno pero kapag sinabihan ang nagrereklamo na gumawa ng affidavit ay umaayaw naman ang mga ito.
Inihalimbawa pa nito ang mga sinasabing korapsyon sa Bureau of Customs (BOC) pero wala namang gustong lumantad upang tumestigo laban sa partikular na kawani o opisyal ng nasabing tanggapan.
Kaugnay pa nito ay hinamon ni Martires ang mga ahensya ng pamahalaan na magkanya-kanya na lamang ng paglaban sa graft and corruption kung bubuwagin ang Ombudsman.
Bukod aniya sa makakatipid sa gastos ang pamahalaan ay magagamit pa ang pondo ng Ombudsman para sa pagpapatayo ng bahay ng mga mahihirap.