Nagsalita na ang Office of the Ombudsman kaugnay sa nasilip ng Commission on Audit (COA) na umano’y mga pagkukulang sa paghawak ng Department of Health (DOH) sa 2020 budget nito.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, aantayin muna nila ang kumpletong COA audit report.
Dapat muna umnong antayin ng COA ang DOH na makatugon sa mga rekomendasyong tinukoy sa COA report.
Ani Martires, dapat munang mapatunayang mayroong non-compliance sa parte ng DOH na hindi sumunod sa mga naging obserbasyon ng mga auditor.
Giit pa ng opisyal, ang mga nasilip na deficiencies ay iaakyat pa sa COA en banc na siyang may pinal na pagpapasiya kung mayroong iregularidad.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan umanong maulit ang karanasan sa Echiverri cases noong 2018 kung saan kinakailangang iurong ang mga inihaing reklamo dahil binase ang reklamo sa isang preliminary audit.