Office of the Solicitor General at NTC, hinaharang ang pagbibigay ng prangkisa sa Amcara Broadcasting Corp.

Nagsanib-pwersa ang Office of the Solicitor General (OSG) at ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pagharang sa panukalang batas na magbibigay prangkisa sa Amcara Broadcasting Corp. na pag-aari ng ABS-CBN Broadcasting Corp.

Sa kanilang 13-pahinang position paper, iginiit ng NTC sa pamamagitan ng OSG, na ang Senate Bill No. 1530, at House Bill No. 7923, ay paglabag sa Saligang Batas.

Ito ay dahil binalewala anila ng naturang pending bills ang nature at origin ng prangkisa.


Magugunitang noong 2020, ibinunyag ni Senior Deputy Majority Leader Jesus “Boying” Remulla na ang Amcara ay “dummy” ng ABS-CBN.

Ito ay dahil ang ABS-CBN aniya ay may block-time arrangement sa Amcara, na nagma-may-ari ng Channel 43.

Sa pamamagitan ng frequency nito ay naipapalabas ng Kapamilya network ang kanilang channels sa pamamagitan ng ABS-CBN TV Plus, TeleRadyo, Jeepney TV, Yey!, Asianovela Channel, KBO, at Cinemo.

Iginiit ng OSG na ang pag-o-operate ng isang broadcasting entity ay nangangailangan ng prangkisa ng Kongreso na ipinapasa sa pamamagitan ng batas.

Una na ring iginiit ng mga opisyal ng ABS-CBN at ng Amcara na walang katiwalian sa kanilang block-time arrangement.

Facebook Comments