Titimbanging mabuti ng OFW advocate na si Susan “Toots” Ople ang alok sa kaniya ni presumptive President Bongbong Marcos na maupong kalihim ng bagong Department of Migrant Workers.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Ople nasanay na siya sa tahimik na buhay pero nais din naman niyang makatulong sa bagong administrasyon.
Sa ngayon, patuloy aniya ang pagkonsulta niya sa kanyang pamilya at ilang malalapit na kaibigan bago magdesisyon.
Samantala, base aniya sa kanilang pag-uusap, unang-unang ibinilin ni Marcos sa kanya na bukod sa mga OFW ay tulungan din ang mga pamilyang maiiwan ng mga ito habang sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pero ayon kay Ople, marami pang kailangang ayusin sa naturang departamento lalo na’t hindi pa ito pormal na naitatatag.