OFW, Ipinag-utos ni Albano sa LGUs na Sunduin pagdating sa Probinsya

Cauayan City, Isabela- Hiniling ni Isabela Governor Rodito Albano III sa lahat ng Local Government Unit sa Lalawigan ng Isabela na isailalim sa home quarantine ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) at hindi sa mga isolation facilities.

Ayon kay Albano, hindi na kinakailangan pang dalhin sa isolation facilities ang mga uuwing OFW sakaling maayos naman ang ginawang pagsusuri ng mga doktor sa kanilang kalusugan.

Batid nito na napakahirap ng pinagdadaanan ngayon ng mga nasabing manggagawa pero giit aniya ng mga ito ang halaga ng kanilang pamilya kaya’t may ilan din ang boluntaryong nagpapaquarantine pagdating sa probinsya para masigurong uuwi silang ligtas sa kani-kanilang pamilya.


Giit ni Albano, bayani kung maituturing ang mga manggagawa dahil sa kanilang dedikasyon na makapagtrabaho sa ibang bansa sa kabila na malalayo sila sa kanilang pamilya.

Paliwanag pa nito, kinakailangang sunduin ng mga opisyal ng bawat LGU ang kanilang mga kababayan na uuwi sa kanilang lugar.

Tiniyak pa ng opisyal na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang hakbang para agad na makauwi ang mga stranded sa kalakhang maynila at makasama ang kanilang pamilya.

Facebook Comments