OFW mula City of Ilagan na Nasabugan ng LPG sa Riyadh, Nasa Ligtas nang Kalagayan at Maaari nang Maiuwi sa Susunod na Linggo!

*Cauayan City, Isabela* – Bagamat nasunog at nalapnos ang buong katawan ay ligtas na sa kapahamakan ang isang OFW mula sa City of Ilagan, Isabela.

Sa ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Eman Fajardo, Migrant Desk officer ng PESO Ilagan,kinumpirma niyang nagpapagaling na sa Assir Central Hospital sa Riyad, Saudi Arabia ang biktimang si Mrs. Editha Santiago Avisado na taga Brgy. Aggasian, City of Ilagan.

Ayon kay G. Fajardo, October 5 taong kasalukuyan nang ipagbigay alam sa kanyang tanggapan ang naturang kaso. Si ginang Editha Avisado ay aksidenteng nasabugan ng gasul sa bahay ng kanyang amo sa Riyad, noong July 2019. Dahil sa pagkataranta ay tumalon ito mula sa 2nd floor ng bahay na kanyang pinaglilingkuran bilang kasambahay. Maliban sa pagkakalapnos ng buong katawan ay nagkaroon din siya ng bali at pilay. Dahil dito, dawalang buwan siyang namalagi at kasalukuyan paring nagpapagaling sa nabanggit na hospital.


Hiling ng kamag anak ni Avisado na maiuwi sa kanilang bahay ang biktima para dito tuluyang magpagaling at para mapanatag ang kanilang loob. Agad na umaksiyon ang grupo ni G. Fajardo at nakipag ugnayan sila sa Gold Icon Recruitment and Promotions, ang agency ni Avisado na naka base sa Manila at maging sa Middle East Recuiting Center na partner agency nito sa Riyadh, Saudi Arabia.

Dahil dito ay napagkasunduan at kinumpirmang makakauwi na si Ginang Avisado anumang araw sa susunod na Linggo dahil mahina pa ang katawan nito sa ngayon. Nakikipag ugnayan din umano ang grupo ni Fajardo sa employer ng pinay OFW na si Fawzia Alizafer Shehki na siyang personal na nag aalaga sa biktima.

Tiniyak ni Fajardo na sa tulong ng tanggapan ni Mayor Jay Diaz ng City of Ilagan ay magbibigay sila ng financial assistance sa biktima at sinisiguro nilang makakakuha ito ng insurance claim. Ang LGU Ilagan narin ang magbibigay ng ng sasakyam para sa pagsundo sa biktimang OFW.

Samantala napag alaman ng 98.5 iFm Cauayan city na tatlo pang kaso ng OFW mula parin sa lungsod ng Ilagan ang tinututukan ngayon ng tanggapan ni Mr. Fajardo. Ang mga ito ay pawang biktima ng pisikal na pang aabuso.

Facebook Comments