OFW na hinihinalang may MERS-COV, nagnegatibo – DOH

Manila, Philippines – Nagnegatibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus o MERS-COV ang lalaking Overseas Filipino Worker (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, lumabas sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi MERS-COV kundi pneumonia ang sakit ng 47-anyos na pasyente.

Una rito, in-admit sa Laguna Doctors Hospital ang OFW na umano ay dalawang linggo nang tina-trangkaso.

Agad namang isinailalim sa general disinfection ang emergency room ng ospital.


Samantala, ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, walang dapat ikabahala ang publiko dahil maituturing na isolated case ang suspected MERS-COV incident.

Ang MERS-COV ay isang uri ng nakakahawang respiratory disease na maaaring maipasa sa pagitan ng hayop at tao.

Kabilang sa mga sintomas ng MERS-COV ay lagnat na may kasamang ubo, sore throat, nasal congestion o hirap sa paghinga, fatigue o sobrang pagod, pananakit ng ulo, pangangatal, pagsusuka at pagtatae.

Sa ngayon, walang kaso ng MERS-COV sa Pilipinas pero mahigpit itong binabantayan ng DOH dahil kapag kumalat, mahirap na umano itong kontrolin.

Facebook Comments