OFW na positibo sa COVID-19, nagpakasal nang ‘di pa tapos ang quarantine

Pinaigting ang contact tracing sa Banga, South Cotabato matapos magdaos ng kasal ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, sasampahan ng reklamo ang 31-anyos Pinay worker mula Kuwait na nagpakasal kahit hindi pa tapos sa kanyang 14-day home quarantine.

Sinabi ni Palencia na pinayagan ang OFW na sa bahay manatili habang hinihintay ang resulta ng swab test, dahil wala nang bakante sa municipal isolation facility.


Ngunit hindi pa man natatapos ang mandatory quarantine ay bumisita pa umano ang OFW sa bayan ng Surallah, saka nagpakasal noong Hunyo 10, isang araw bago mapag-alamang positibo sa COVID-19.

Noong Miyerkules, nasa 26 residente na ang natukoy ng awtoridad na nakasalamuha ng OFW.

Siniguro naman ng mayor na nasa isolation facility na ang pasyente kasama ang kanyang asawa at anak.

Kaugnay nito, iginiit naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na dapat bigyan ng leksyon ang mga lumalabag sa health protocols.

Facebook Comments