Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na inabutan ng panganganak ang isang overseas Filipino worker (OFW) na umuwi noong Miyerkules mula Riyadh, Saudi Arabia.
Ligtas na nagsilang ang 37-anyos na ginang sa tulong ni Lt Cdr. Francis Ariel Sualog ng Philippine Coast Guard (PCG).
Bagaman walang karanasan sa pagpapaanak, ‘di nag-atubiling umalalay si Sualog nang makita ang OFW na nakaupo sa wheelchair at nananakit na ang tiyan.
Nailuwal ang malusog na sanggol na lalaki, sampung minuto mula nang pumutok ang panubigan ng OFW, base sa Facebook post ng PCG.
Ilang saglit ay dumating naman ang medical service ng airport at dinala ang mag-ina sa Pasay City General Hospital.
Sinaluduhan ng netizens ang pag-aksyon si Sualog at mga kasamahang frontliner ng PCG.