OFW, PATAY SA SALPUKAN NG VAN AT MOTORSIKLO; ISA, KRITIKAL

Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide, Serious Physical Injuries and Damage to Property ang isang tsuper makaraang makabangga ng motorsiklo na sakay ng dalawang biktima sa kahabaan ng pambansang lansangan sa Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang suspek at drayber ng isang Maxus Van na may plakang NON 3500 na si Jeffrey Samut, 32 taong gulang at residente ng Mapayapa, Commonwealth, Quezon City.

Habang ang drayber at sakay ng Honda click na motorsiklo ay kinilalang si Jesusvic Villanueva, 42-anyos, may-asawa, collector, residente ng Purok Daisy, Calaocan, Alicia kasama ang backrider na si Melojane Ramos, 45-anyos, OFW at residente naman ng Purok 1 Dalakip, Angadanan, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ni PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan City, lumabas sa kanilang pagsisiyasat, pasado alas 2:00 ng hapon noong June 24, 2022, bumabaybay sa lansangan ang motorsiklo patungo sa bayan ng Alicia, Isabela habang ang Maxus van ay patungong Lungsod ng Ilagan.

Nang mag-overtake sa sinusundang sasakyan ang van at habang nasa proseso ay sumalpok ito sa kasalubong na motorsiklo.

Wasak ang motorsiklo habang tumilapon ang mga biktima at nawalan ng malay.

Agad silang isinugod sa ospital ng mga rumespondeng kasapi ng Rescue 922 subalit idineklarang patay na ang angkas na OFW.

Wala namang tinamong sugat sa katawan ang drayber ng van na ngayo’y nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments