Pinatawan ng 16 buwang pagkakakulong ang isang 42-anyos overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong, Agosto 27, matapos nakawin at isanla ang mga alahas ng amo na nagkakahalagang P2.6 milyon.
Umamin sa korte ang domestic helper na si Charity Faith Ramos sa salang pagnanakaw ng 27 piraso ng alahas mula sa amo na si Yu Por-yen–ilan dito ay pamana pa sa pamilya.
Ayon sa piskal, Disyembre nakaraang taon nang isumbong ng amo sa pulisya ang tungkol sa mga nawawala niyang alahas.
Hinalughog ng pulisya ang mga gamit ng Pinay at nadiskubre ang 13 resibo mula sa pawnshop.
Batay sa mga resibo, Mayo nakaraang taon nang simulan ni Ramos ang pagsasanla ng mga alahas ng amo.
Nabawi pa ng awtoridad sa pawnshop ang 17 sa mga ninakaw na alahas na nagkakahalagang P1.6 milyon.
Hindi na nabawi pa ang isang diamond ring, dalawang diamond necklace, isang diamond bracelet, anim na gold ring na may gem, pitong gold necklace na may pendant, at isang pares ng diamond earrings.
Namasukan si Ramos sa pamilya Yu noong 2017.
Ayon sa abogado ng Pinay, nangangailangan ito ng pera para sa pagpapagamot sa asawa niyang magsasaka na hindi makapagtrabaho dahil sa hika, at para sa 76-anyos niyang nanay na paralisado.
Sa kabila nito, nanindigan ang Hukom na hindi mapapawalang-sala ang nasasakdal dahil sa problemang pinansyal nito.
Binigyang-diin din ng Hukom ang sentimental value ng mga ipinamanang alahas na hindi na naibalik pa kay Yu.
Binawasan na lamang ng Hukom ng isang buwan ang sintensya dahil sa malinis na record ni Ramos, at pag-amin sa krimen.