Monday, December 23, 2024

OFW sa Kuwait na pinatay sa bugbog, basag raw ang ulo

Courtesy Nelly Padernal

Sumisigaw ng hustisya ang kaanak ng Overseas Filipino Worker (OFW) na pinatay ng sariling amo sa Kuwait noong Disyembre 30.

Lumabas kasi sa paunang imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na basag ang ulo ng Pinay domestic helper na si Jeanelyn Villavende, 26-anyos.

Wala na din buhay ang OFW nang dinala sa pagamutan na tadtad raw ng pasa at galos sa buong katawan.

Ayon kay Nelly Padernal, tiyahin ng nasawing biktima, nagdesisyon itong makipagsapalaran sa Gitnang Silangan noong Hulyo para maiahon sa kahirapan ang pamilya.

Pangarap din niyang bumili ng bagong bahay na ireregalo sa magsasakang ama sa Norala, South Cotabato.

Dagdag ni Padernal, sandali lamang nila makausap si Jeanelyn mula pa noong Oktubre at katabi pa niya ang babaeng amo na tila binabantayan siya.

Agad silang nakipag-ugnayan sa recruitment agency nito sa Tacurong, Sultan Kudarat kaugnay sa sitwasyon ng OFW.

Nangako raw ang ahensiya na pauuwiin ang Pinay ngayong Enero. Pero malamig na bangkay na pala ang susunduin ng pamilya sa paliparan.

Tiniyak ng DFA na mananagot ang mag-asawang amo ni Villavende na kasalukuyang nakakulong.

Giit ni Sec. Teddy Boy Locsin, labag sa kasundunang nilagdaan ng Kuwait at Pilipinas noong 2018 ang nangyaring pangmamalupit sa mga kababayang naghahanapbuhay doon.

 

Facebook Comments