Nais ipa-deport ng Philippine Overseas Labor Polo (POLO) sa Taichung City, Taiwan ang isang Pinay caregiver dahil sa mga paninirang ipinost nito sa social media laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ni Fidel Macauyag, labor attaché ng POLO-Taichung City, isinusulong nila ang deportasyon ng OFW na gumamit ng pekeng account para “bastusin” at magpakalat ng masamang materyales tungkol sa Presidente.
Kinilala ang caregiver na si Elanel Egot Ordidor, na naka-destino sa Yunin County.
Ayon sa opisyal, pinuntahan nila si Ordidor noong Abril 20 para pagliwanagin kaugnay ng mga “bayolenteng” Facebook post na itinuturing na isang “krimen”.
Nangako naman ang kababayan na buburahin ito at maglalabas ng public apology.
“However, hours after the visit, several posts were seen on the POLO Taichung’s Facebook page from several fake accounts assuring (the worker’s) cause and further giving her assurance of support,” saad ni Macauyag.
Dahil sa insidente, kinakausap na raw ng POLO ang employer ni Ordidor para sa deportasyon at sasampahan ito ng kasong cyberlibel.
Nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasabing ahensiya na layong alagaan at protektahan ang mga nagtratrabaho sa ibang bansa.