Oil companies, hinamon na huwag harangin ang unbundling ng presyo ng langis sa bansa

Hinamon ni Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang mga kompanya ng langis na tigilan ang pagharang sa hakbang para malaman ang break down ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Bunsod na rin ito ng pangwalong beses na sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Giit ni Zarate, ang kaniyang demand para malaman ang batayan sa presyo ng langis ay para na rin maging transparent ang oil companies sa publiko pagdating sa oil pricing scheme.


Sa inihaing House Bill 10386 ng Bayan Muna sa Kamara, layunin nitong i-institutionalize ang unbundling ng oil prices sa oil industry ng bansa.

Nananawagan din ang kongresista sa Department of Energy (DOE) na maging pro-active at suportahan ang panukala.

Kung maaari lang din aniya ay tulungan sila na i-lobby ang bill sa presidente at i-classify ito bilang urgent kasama ng ibang panukala na magpapahupa sa tuluyang pagtaas pa ng presyo ng langis.

Maliban sa international price ng langis ay walang nakababatid sa aktwal na gastos ng oil companies sa bentahan ng fuel tulad ng refining cost, storage, transportation, salaries at advertising cost.

Punto ni Zarate, obligasyon ng oil companies na ipaalam sa DOE at sa publiko ang actual cost ng langis upang malaman kung sila ba ay may overpricing o wala.

Facebook Comments