OIL PRICE HIKE | Dagdag singil, pinababantayan ng Kamara

Manila Philippines – Umapela si Kabayan Rep. Ron Salo sa Department of Energy na bantayan ang oil price hike ng mga oil firms ngayong 2018.

Ito ay kasunod na rin ng excise tax na ipapataw sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng pagpapatupad ng Tax Reform For Acceleration and Inclusion o TRAIN.

Ayon kay Salo, sa kabila ng epektibong pagpapatupad ng mas mataas na buwis sa mga produktong petrolyo sa pagpasok ng 2018, dapat aniya na mahigpit na bantayan ni Energy Sec. Alfonso Cusi ang anumang hakbang ng mga oil companies sa pagtataas ng singil sa langis.


Paliwanag ni Salo, kung ang oil stocks ay bago pa ang January 1, 2018, hindi dapat payagan ang pagpapataw ng dagdag na singil sa mga oil products dahil ang tax reform ay epektibo lamang dapat sa mga bagong oil supply na darating sa bansa.

Hiniling din ng kongresista sa gobyerno na ipatiyak sa Energy Regulatory Commission na babantayang mabuti ang lahat ng oil firms sa bansa sa anumang balak na pang-aabuso sa publiko sa ilalim ng ipapatupad na tax reform.

Facebook Comments