Umarangkada na ang oil recovery operation ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos sumadsad ang isa pang barko sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa PCG, manu-mano ang ginagawang pagsalok sa tumapon na langis sa loob ng MV Mirola 1 na nasa katubigan ng Sitio Quiapo, Barangay Biaan.
Inilalagay ng mga tauhan ng PCG sa malalaking drum ang mga nakolektang langis, bago dalhin sa waste disposal facility.
Layon nitong masiguro na hindi magdadala ng masamang epekto sa kalusugan ng mga residente.
May mga nakikita nang mga bakas ng tumagas na langis at naaamoy na rin ang kurudo sa paligid ng lugar kung saan sumadsad ang barko.
Hindi ito ang unang beses na may sumadsad na barko sa Bataan sa nakalipas na mga linggo.
Samantala, ngayong araw naman susubukang simulan ang siphoning o paghigop sa 300,000 litro ng kargang langis ng MTKR Terra Nova na lumubog sa naturang lalawigan at nagdulot ng pagtagas ng langis sa Manila Bay.