Oil regulation, muling ipinanawagan sa Kamara

Iginiit muli ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na ma-regulate ang oil industry sa bansa.

Kasunod ito ng ika-limang beses na big-time oil price hike ngayong taon na ipatutupad naman ngayong linggo.

Sinabi ni Zarate na ang kawalang aksyon ng Duterte administration na ma-regulate ang oil industry ang siyang salarin sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng langis at produktong petrolyo.


Tinukoy ng kongresista ang kahalagahan na makontrol ang presyo ng langis sa bansa upang maprotektahan ang mga consumers na sobrang nahihirapan na sa epekto nito.

Dahil sa kawalan ng regulasyon sa nasabing industriya ay nakaapekto ito sa patuloy rin na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pabahay, kuryente, tubig, transportasyon at social services.

Kinakailangan aniyang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ngunit magiging epektibo lamang ang benepisyo ng oil regulation kung ito ay mai-institutionalize o maisasabatas.

Pinaaaksyunan naman sa Kamara ng mambabatas ang House Bill 4711, ang panukala para sa regulasyon ng oil at petroleum industry sa pamamagitan ng pagbuo ng petroleum regulatory council at pagkakaroon ng pondo para maiwasan ang mabigat na impact sa consumers ng biglang pagtaas ng oil prices.

Facebook Comments