Manila, Philippines – Hinamon ni Senador Antonio Trillanes ang Ombudsman na ilabas ang record ng Anti-Money Laundering Council kaugnay sa umano’y tagong-yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi ni Trillanes, noong isang taon pa hawak ng Ombudsman ang mga dokumento na magpapatunay sa sinasabi niyang P2-billion bank account ng Pangulo.
Handa raw niyang itaya ang kanyang reputasyon mapatunayan lang ang kanyang alegasyon.
Samantala, tinawag ding ‘sinungaling’ at ‘bolero’ ng Senador si Duterte kaugnay ng pananahimik ng Pangulo sa isyu ng Customs.
Nagtataka siya kung bakit kahit nakatiwangwang na ang ebidensya ay pinagtatakpan pa ng Pangulo si BOC Sec. Nicanor Faeldon.
Ikinumpara pa niya ang naging hatol ni Duterte kay dating DILG Sec. Mike Sueno na agad sinibak nang hindi dumaan sa due process dahil umano sa korapsyon.
Wala pang pahayag ang Malacañang hinggil dito.