Tuesday, April 7, 2026

Ombudsman, ipinadala na ang subpoena sa House Secretary General kaugnay sa SALN ng isang kawani ng Kamara

Ipinadala na ng Office of the Ombudsman ang kopya ng subpoena sa Office of the House Secretary General kaugnay sa hinihinging Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng isang empleyado ng Kamara at lahat ng mga kasalukuyang kongresista.

Hinihiling ng Ombudsman ang SALN ni House Deputy Secretary General Sofonias Ponce Gabonada Jr. at binigyan sila ng tatlong araw para isumite ito.

Mahalaga anila ang mga dokumento para matukoy kung mayroong hindi idineklara sa yaman at kung may anomalya sa pinansiyal na maaaring magpahiwatig ng maling gawain.

Kinumpirma naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na natanggap na ng Kamara ang kopya kasunod na rin ng babala kahapon ni Ombudsman Boying Remulla na sususpendihin si House Secretary General Cheloy Garafil sakaling hindi pa rin makipagtulungan sa kanila.

Pero sinabi naman ni Garafil na iginagalang nila ang tanggapan ng Ombudsman at mandato nito at pinoproseso nila ang mga komunikasyong ipinadadala sa Kamara.

Facebook Comments