
Nakahanda ang Office of the Ombudsman na i-turn over sa House Committee on Justice ang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng plano ng House Committee on Justice na i-subpoena sa Ombudsman ang SALN ng bise presidente.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, susunod ang kanilang tanggapan sa umiiral na batas lalo’t bahagi ito ng constitutional process.
Kaugnay nito, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na maaari namang humiling ang sinuman ng kopya ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, kahit walang subpoena.
Aniya, maaari ring i-request ang mga SALN ni Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City mula sa repository ng Ombudsman sa Mindanao.
Partikular na hinihingi ng komite ang SALN ng bise presidente mula 2007 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang 2025.
Kinumpirma rin ng Ombudsman na nasa fact-finding stage na ang mga reklamong isinampa laban kay VP Sara.










