Ombudsman, pinasasagot sina Esperon, Badoy at Parlade sa reklamong administratibo na inihain noong 2020

Inatasan ng Office of the Ombudsman ang tatlong dating opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanila.

Batay sa utos ng Ombudsman may petsang Hunyo 16, 2022, inatasan nito si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., dating Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy at retired Southern Luzon Command Chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr. na maghain ng kani-kanilang counter-affidavits sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng order.

Ang utos ng Ombudsman ay nag-ugat sa reklamong administratibo na inihain ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) noong Disyembre 2020, na humihiling na tanggalin sa serbisyo ang tatlong opisyal ng gobyerno at alisan ng kanilang mga benepisyo.


Iginiit ng NUPL na binastos nina Esperon, Badoy at Parlade ang kanilang grupo matapos silang akusahan bilang front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kahit na walang matibay na ebidensya.

Facebook Comments