Pinigilang pumasok ng Ombudsman ang Presidential Anti-Corruption Commission sa imbestigasyon sa mga opisyal na sangkot sa pagpapalaya ng mga preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, walang ibang ahensya ang maaaring makapagsagawa ng parallel investigation hanggang hindi natatapos ang trabaho ng kaniyang mga investigator.
Bumuo na ng team ng investigators si Martires at inatasan na gawing priyoridad ang mga kaso na may maituturing na grave offense.
Nakuha na ng mga investigators ang mga raw data at mga mahahalagang dokumento mula sa BuCor at kinakalap na ngayon ang mga dokumento mula sa Department of Justice, sa Senado, at iba pang ahensya.
Abot sa 1,914 na indibiduwal na convicted ng heinous crimes ang nabigyan ng early release simula noong 2014 kasunod ng pag amyenda sa Good Conduct Time Allowance law.
Inilabas ng BuCor ang datud kasunod ng pag alma ng publiko sa pagpapalaya sana kay dating Mayor Antonio Sanchez.