Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Health Officer Dr. Genaro Manalo, hinihintay pa lamang nila ang resulta ng kanilang ginawang pagsisiyasat upang makumpirma kung nakapasok na ang Omicron variant sa kanilang Lungsod.
Kaugnay nito, base sa pinakahuling datos ng City Health Office, patuloy ang pagbaba ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Santiago City, kung saan bumaba na lamang sa 508 ang kanilang active cases mula sa dating bilang na 578.
Mula sa naturang active cases ng Santiago City, 86 rito ay nasa quarantine facility habang ang 95 ay naka-admit sa ospital.
Bumubuti na aniya ang sitwasyon ngayon ng Lungsod dahil apat na araw nang bumababa ang mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Samantala, hindi na itinuloy ang pagsasailalim sana sa Alert Level 4 status ng Santiago City matapos makita at masuri ang mga ospital na mababa na lamang ang bilang ng mga pasyenteng naka-admit kaya nanatili pa rin ang status nito sa Alert Level 3.
Tuloy-tuloy din ang ginagawang contact tracing at testing ng lokal na pamahalaan sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus.