On-site workers, required na magpabakuna ayon sa IATF

Iminamandato na ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga establisyemento at mga employer, mapa-pampubliko o pribado na mabakunahan ang lahat ng kanilang eligible employees ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, ito ay para sa mga manggagawa na mayroong on-site work o pumapasok ng pisikal sa kanilang mga opisina, partikular sa mga lugar na mayroon namang sapat na suplay ng bakuna.

Pero ang mga empleyado na mayroong on-site work purposes pero nananatiling unvaccinated o ayaw magpabakuna dahil sa ilang rason ay kinakailangang sumailalim sa RT-PCR test isang beses kada 2 linggo o lingguhang antigen test.


Samantala, ang mga manggagawa sa pampublikong sektor kasama ang mga Local Government Units (LGUs), ang kanilang pagpapa-swab o pagsasailalim sa RT-PCR o antigen test ay subject sa availability ng funds, civil service, accounting and auditing rules and regulations.

Exempted naman sa testing requirement ang mga empleyadong tinamaan ng COVID-19 sa nakalipas na 90 araw at iyong mga nasa ilalim ng alternative working arrangements at hindi require sa on-site reporting.

Maaari namang i-waive ang testing requirement sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 pero required ito sa mga lugar na pasok sa Alert Level 2 pataas.

Facebook Comments