“One-strike policy”, mahigpit na ipapatupad ni Manila City Mayor Honey-Lacuna Pangan

Nagbabala si Manila Mayor Honey-Lacuna Pangan na mahigpit niyang ipapatupad ang “one-strike policy”.

Ito’y kung hindi susunod sa alkalde ang ilang mga awtoridad na naka-destino sa lungsod ng Maynila at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ang pahayag ng alkalde ay kasunod ng na-monitor niya sa CCTV hinggil sa kalagayan sa buong lungsod kung saan kumalat ang mga illegal vendors at ibang nakaharang sa kalsada o kalye na nakaka-apekto sa publiko.


Partikular sa mga simbahan, palengke at paligid ng unibersidad.

Sinabi ni Mayor Honey na ang nasabing polisiya ay kaniyang ipapatupad sakaling hindi kaya o hindi susundin ang kaniyang utos na linisin at tuluyang alisin ang mga pasaway na illegal vendors.

Iginiit pa ng alkalde na kaya niyang i-monitor ang sitwasyon ng buong lungsod dahil sa hawak nitong gadget na naka-access sa CCTV na nakakalat sa paligid ng Maynila.

Dahil dito, asahan na raw ng publiko ang ilang clearing operations sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila sa mga susunod na araw bilang bahagi ng kanilang nakalatag na programa at proyekto.

Facebook Comments