Magkaroon ng “one time, big time lockdown”.
Ito ang nakikitang hakbang ni dating Government Task Force on Covid-19 Response Adviser Dr. Tony Leachon upang mapababa ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Leachon, ang pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at karatig lalawigan ay nagsisilbing “breathing space” lang laban sa virus.
Kulang aniya ang hanggang August 18, 2020 na MECQ para ma-flatten ang curve sa Metro Manila na may pinakamataas na kaso ng COVID-19.
Maganda rin aniyang pagkakataon ang extension ng MECQ upang maihanda ang publiko sa pagdating ng bakuna laban sa virus sa Disyembre lalo na’t kinakailangan aniya ng gap hanggang sa maging available ang vaccine.
Sa ngayon ay nasa 122,754 ang confirmed COVID-19 cases sa bansa matapos na makapagtala ng panibagong 3,379 na kaso kahapon.
Bunsod nito, nangunguna na ang Pilipinas sa Southeast Asia sa pinakamaraming confirmed cases sa kabila ng napakahabang lockdowns na ipinatupad sa buong mundo.