One- Time Big -Time Operation ng HPG Isabela, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang One-Time Big-Time Operation ng Highway Patrol Group (HPG) para masuri ang lahat ng mga sasakyan o motorsiklo sa lalawigan ng Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Rey Sales ng HPG Isabela, kada Linggo aniya ang kanilang ginagawang inspeksyon sa mga bumabyaheng sasakyan maging sa mga establisyimento na nagbebenta ng sasakyan lalo na sa mga “buy and sell”.

Importante aniya ito upang masuri kung nakarehistro ang minamanehong behikulo o kung ito ay carnap.


Makikita din ani Maj. Sales na sa pamamagitan ng kanilang one-time big-time operation ay nalalaman ang mga sasakyan o motorsiklo na hindi nakarehisto sa LTO at marami pa rin sa mga motorista ang lumalabag sa batas trapiko gaya ng hindi pagsusuot ng helmet.

Paliwanag ni Maj. Sales, iniiwasan ng HPG na lapitan ang mga motorista na humihinto sa mga gilid ng kalsada bago ang checkpoint dahil maaari aniya itong mag sanhi ng aksidente.

Kaya naman hinihikayat ng pamunuan ng HPG katuwang ang PNP, LTO at POSU ang lahat ng mga hindi pa nakakapagrehistro ng sasakyan upang hindi mauwi sa pagkakahuli.

Samantala, muling pinapaalalahanan ng HPG ang mga bumibili ng segunda manong sasakyan na suriin itong mabuti at sumangguni sa HPG upang makita kung ito ay ba lehitimo o carnap.

Facebook Comments