Patuloy ang pagdating sa Quezon Memorial Circle ng mga sasakyan na nagdadala ng mga nahuhuling pasaway at dedma lamang sa pinaiiral na health protocol.
Sa inisyal na pagtaya ng Quezon City Police Department (QCPD), nasa humigit kumulang isang libong violators na ang naaresto na karamihan ay hindi nagsusuot ng facemask at face shield at lumalabag sa social distancing.
Ikinasa ang ‘One-Time Big-Time’ Operation ng QCPD at barangay bilang isang paraan para hindo magkahawaan at mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Roger Cuaresma, Chief of Security and Intelligence Division QC – DPOS, alas-singko y media pa lamang ng madaling-araw kanina nang sabayan itong isinasagawa sa lahat ng 142 barangay sa lungsod ng Quezon.
Paliwanag ni Cuaresma sa Liwasang Aurora sa loob ng Quezon Memorial Circle isinasagawa ang profiling sa mga violators na hinati-hati kada isang sa bawat 14 na istasyon ng pulisya sa buong lungsod.
Dagdag pa ni Cuaresma, kung wala namang ibang kaso na makikita ay walang ikukulong na violators pero sila ay pagmumultahin batay sa nakasaad sa mga umiiral na ordinansa sa QC.