Inihahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ₱10,000 ayuda para sa mga overseas filipino workers na naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa ilalim ng DOLE-AKAP assistance program.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, saklaw ng one-time financial assistance ang regular/documented OFWs na tinukoy sa 2016 Revised Philippine Overseas Employment Administration (POEA) rules and regulations.
Gayundin ang mga kwalipikadong undocumented OFWs o ‘yung mga orihinal na regular o documented workers pero dahil sa ilang kadahilanan ay nawala sa kanilang regular o documented status.
Makakatanggap din ng ayuda ang balik-manggagawa na hindi na makabalik sa ibang bansa dahil sa lockdown.
Para sa mga OFWs na nais makapag-apply sa one-time financial assistance ng DOLE, kailangan lang nilang bumisita sa Philippine Overseas Labor Office kung saang bansa sila naroon.
Habang ang mga repatriated OFWs at balik manggagawa ay dapat mag-apply sa OWWA Regional Welfare Offices (RWOS).
Pagtitiyak ni Bello, ang pondo para sa DOLE-AKAP kasama na ang iba pang administrative expenses ng central at regional operations ay mula sa DOLE COVID-19 Adjustment Measures Program (DOLE-CAMP) na umaabot sa ₱1.5 bilyon.